Bibisitahin nina Defense Secretary Gilbert Teodoro at AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang Lal-lo, Cagayan ngayong araw.
Ito ay upang personal na inspeksyunin ang Lal-lo Air Base, isa sa apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites na napagkasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kasalukuyan itong ginagamit bilang refueling site ng mga sasakyang panghimpapawid ng dalawang bansa.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations sa nasabing lalawigan.
Nabatid na magdadala ng 10 pallets o 1,000 food packs sa Fuga at Calayan Islands ang dalawang opisyal, kung saan isa ito sa mga matinding hinagupit nang nagdaang Bagyong Egay.
Una nang nagdala ng 5,000 kilo ng tubig at pagkain ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang United States Marine Corps sa Batanes na isa rin sa mga lugar sa bansa na hinagupit ng bagyo.