Manila, Philippines – Inamin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na minaliit nila ang banta ng Maute terror group sa Marawi City.
Sa isinagawang press briefing sa Marawi, sinabi ni Lorenzana na hindi nila inaasahan na ganito kalakas ang puwersa ng teroristang grupo.
Maliban dito, inamin din ni Lorenzana na hindi sila kaagad gumawa ng aksyon sa mga hawak nilang impormasyon tungkol sa Maute group.
Samantala, hindi naman nagustuhan ng kalihim ang pagpapatapon sa Mindanao ng dalawang Mandaluyong police na nanghataw ng yantok sa dalawang lalaki na kanilang naaresto.
Aniya, mahirap na ang sitwasyon ngayon ng mga sundalo sa Mindanao kaya hindi na kailangang magpadala ng mga “magpapahirap pa lalo” sa kanilang kalagayan.
Giit pa ng kalihim, makakadagdag lang sa problema ng mga commander kung ipapatapon sa Mindanao ang mga pasaway na pulis mula sa Metro Manila.