Inaprubahan sa Kamara ang resolusyon na nagbibigay pahintulot sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumanggap ng parangal mula sa Indonesia.
Sa ilalim ng ating konstitusyon, walang elective o appointive public officer o empleyado na maaaring tumanggap ng regalo, bayad, office o titulo mula sa foreign government, maliban na lamang kung ito ay otorisado ng batas o may pagpayag ng Kongreso.
Sa House Concurrent Resolution 23 ay pinapahintulutan sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff Gen. Cirilito Sobejana at iba pang opisyal at tauhan ng Hukbong Sandatahan na tanggapin ang parangal mula sa Pangulo ng Republic of Indonesia na si Joko Widodo.
Ang award ay kaugnay sa magandang relasyon at naitulong ng AFP sa kalapit na bansa.
Si Lorenzana ay ginawaran ni Widodo ng “Peace Medal” bilang pagkilala sa kaniyang mga hakbang upang mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at Indonesia gayundin ang pagsagip sa mga mangingisdang Indonesian mula sa mga kamay ng Abu Sayyaf Group noong December 2019.
Nabatid na si Lorenzana ang unang Pilipino na makatatanggap ng naturang award mula sa Indonesia.