Inatasan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang lahat ng military camp commanders na magtipid ng tubig bilang hakbang upang hindi masyadong maramdaman ng epekto ng El Niño sa bansa.
Ang direktiba ay alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gumawa ng mga hakbang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para makapagtipid ng tubig at ang mga pinuno ng bawat military camps sa buong bansa ang dapat na magsilbing role model dito.
Sa pulong ng Task Force El Niño kamakalawa, binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng pagkukumpuni ng mga tumatagas na tubo sa mga military camps.
Aniya, bilang bahagi ng whole-of-government approach sa pagpapagaan sa epekto ng El Niño ang mga nakatira sa military camps ay dapat gawin din ang kanilang parte sa pagtitipid sa pagkonsumo ng tubig.
Sa nasabi ring pulong nagbigay ng update ang iba’t ibang ahensya sa kanilang interventions para mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot.
Base sa pagtaya ng PAGASA, 41 lalawigan ang apektado na ng El Niño.
Bagama’t, bumaba na ito mula sa inisyal na 50 apektadong lalawigan, napagkasunduan ng Task Force na may pangangailangan parin na palakasin ang mga pagtugon dahil tatagal pa hanggang May 2024 ang El Nino.