Inaprubahan na ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Mabilis lamang na nakalusot sa plenaryo ang nominasyon ni Teodoro lalo’t kaliwa’t kanan ang suporta na kanyang nakuha mula sa mga senador at mga kongresista.
Nagsilbi rin kasi bilang kongresista ng 11th, 12th at 13th Congress si Teodoro at isa sa mga pinakabatang naging kalihim ng Department of National Defense (DND) noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, naniniwala siya sa kakayahan ni Teodoro at hindi makukwestyon ang hangarin nitong protektahan ang interes ng mga Pilipino.
Aniya pa, hindi lamang basta ‘qualified’ si Gibo kundi ‘over qualified’ kaya naman buong 1,000 percent ang suporta na ibinibigay niya rito.
Sinabi naman ni Senate President pro tempore Loren Legarda, kailangan natin ng isang lider na qualified at outstanding na hindi lamang bibigyang seguridad ang ating territorial integrity at soberenya kundi isusulong din ang kapakanan ng mga Pilipino.
Aniya, ang mga ito ay taglay ni Teodoro at kumpyansa siyang matitimon ng mahusay ng kalihim ang DND.
Naniniwala naman si Senator Jinggoy Estrada na ang appointment ni Sec. Gibo ay isang ‘inspired choice’ at kakayanin nitong harapin ang mga hamon tulad sa usapin sa teritoryo at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon partikular sa West Philippine Sea.