Defense Sec. Lorenzana may bilin sa hanay ng AFP vs Parlade

Bilin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na huwag pansinin ang pahayag ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Retired Lt. Gen. Antonio Parlade.

Sinabi ito ng kalihim matapos hingian ng komento kaugnay ng pahayag ni Parlade na revolutionary government ang solusyon para maayos ang sistema sa Commission on Elections o Comelec.

Sa rally ngayong tanghali sa People Power monument sinabi ni Parlade na kung maayos ang sistema sa Comelec, hindi na makakalusot ang mga politikong puro pansariling interes lang ang inaatupag.


Pero nilinaw ni Parlade na hindi siya nananawagan ng pagtatatag ng isang revolutionary government, kundi sinasabi niya lang na kung ito ang solusyon sa problema sa Comelec.

Magkagayunpaman, sinabihan ni Lorenzana ang mga opisyal ng AFP na huwag pakinggan ang sinasabi ni Parlade.

Bago nagretiro noong Hulyo ng nakaraang taon ay naging kontrobersyal si Parlade matapos akusahan si Sen. Bong Go na dinidiktahan ang mga desisyon ng pangulo.

Facebook Comments