
Tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tuloy-tuloy ang disaster response ng pamahalaan para sa mga apektado ng Bagyong Crising kahit nasa Amerika.
Sa kaniyang pahayag dito sa Washington DC, sinabi ni Teodoro na bago pa man siya umalis ng bansa, ay iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ng mahigpit na pagbabantay sa relief at rescue operations ng gobyerno.
Ayon sa kalihim, nakikipag-ugnayan na siya kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. para i-coordinate ang tulong mula sa US Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) gamit ang mga pasilidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Bilang chairperson din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD), sinabi ni Teodoro na naka-activate na ang inter-agency coordinating cell na 24/7 ang monitoring.
Giit pa ng kalihim, aktibo ring nakatutok si Pangulong Marcos sa sitwasyon mula sa Amerika at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado tulad ng US at Japan para sa posibleng tulong.









