Defense Secretary Delfin Lorenzana, humihingi ng report sa Philippine Navy kaugnay ng pag-harass ng China sa barko ng navy sa West Philippine Sea

May direktiba na si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pamunuan ng Philippine Navy na bigyan siya ng detalyadong impormasyon kaugnay sa umano’y pang haharass ng China sa barko ng Philippine Navy sa West Philippine Sea kamakailan.

Ito’y makaraang maghain ng dalawang diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese Embassy kahapon.

Nakasaad dito ang pag protesta ng Pilipinas sa umano’y pagtutok ng radar gun sa barko ng Philippine Navy sa loob ng Philippine waters, at pagdeklara ng ilang bahagi ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea bilang bahagi ng Hainan Province ng China.


Ang tinutukan ng radar gun ay ang BRP Conrado Yap, isang pohang-class corvette na pinakamalakas na barkong pandigma ng Philippine Navy.

Ayon kay Lorenzana, hindi niya masabi sa ngayon kung nakasama ito sa barko o sa mga crew nito kaya humihingi siya ng briefing mula sa mga experto ng navy at air force.

Matatandaang pinuna ng ilang mga bansa kamakailan ang China dahil sa tila pagsasamantala nila sa pagkaabala ng buong daigdig sa COVID-19 pandemic, para isulong ang kanilang pananakop sa West Philippine Sea.

Facebook Comments