Nagpaalam na sa mga tropa ng Eastern Mindanao Command si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang pagbisita sa Camp Panacan sa Davao City kamakalawa.
Sa kanyang pagharap sa mga sundalo, binati ng kalihim ang EASTMINCOM sa kanilang “impressive achievements” laban sa NPA sa kanilang nasasakupan.
Pati aniya ang pangulo ay humanga sa mga nagawa ng mga sundalo ng EASTMINCOM kabilang ang pagbuwag ng pitong guerilla fronts, pagnutralisa ng 740 NPA members at 71 high-value individuals (HVIs) noong 2021.
Habang siyam na guerilla fronts ang nabuwag, at 236 NPA members, at 24 HVI ang na-nutralisa ngayong 2022.
Nagpasalamat naman si Eastern Mindanao Command Chief LtGen. Greg T. Almerol sa kalihim sa lahat ng kanyang suporta na naging daan sa tagumpay ng EASTMINCOM laban sa NPA.
Sinabi ni Almerol, ang mga modernong military assets, bagong pasilidad, at mga programa na ipinagkaloob ng DND at AFP General Headquarters sa mga tropa sa termino ni Sec. Lorenzana ang naging susi sa matagumpay na pagganap ng mga sundalo ng kanilang mandato bilang protektor ng mga mamayan.