Defense Secretary Lorenzana, mas pabor sa ROTC sa halip mandatory military service

Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na mas magandang alternatibo sa Mandatory Military Service ang mahusay na pagpapatupad ng Reserve Officer Training Course (ROTC) sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ang isinusulong ni vice presidential candidate Mayor Sara Duterte na mandatory military service para sa lahat ng nasa wastong edad na mamamayan, kung siya ay mananalo sa halalan.

Ayon sa kalihim, suportado ng Department of National Defense (DND) ang pagkakaroon ng mandatory military service, dahil dadami ang reservists na Armed Forces of the Philippines (AFP) na handang magtanggol sa bansa at tumulong sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR).


Magkakaroon din aniya ng pagsasanay at disiplina ang mga mamayan at matututunan ng mga mamayan ang pagseserbisyo sa bansa.

Ngunit, ipinaliwanag ng kalihim na may mga malalaking hamon para maipatupad ang mandatory military Service.

Ilan na dito ay ang budget na kailangan para sa pagtatayo ng mga training facilities para sa milyong-milyong kailangang sanayin bawat taon.

Inaasahan niya rin daw na marami ang tututol sa pagseserbisyo sa militar at hindi rin naman aniya nahaharap sa giyera ang bansa para mangailangan ng mobilisasyon.

Facebook Comments