DEKALIDAD NA FEEDS SA REGION 2, TINITIYAK NG REGIONAL FEED CHEMICAL ANALYSIS LABORATORY NG DA REGION 2

Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng Regional Feed Chemical Analysis Laboratory ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA-RFO2) na patuloy ang kanilang pagpapataas ng antas ng kanilang serbisyo alinsunod ng kanilang mandato na masiguro na dekalidad ang mga feeds na pinapakain sa mga alagang hayop sa rehiyon.

Ito ang inihayag ni G. Paul Marco Andal, Chief ng Regional Feed Chemical Analysis Laboratory (RFCAL-DA) Department of Agriculture Region 2.

Mahigpit aniya nilang babantayan na mapanatiling maganda ang uri ng mga feeds para sa mga magsasaka at mga breeders na pumapantay ang mga ito sa nakatalagang standards na binibigay ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Batay sa datos, nasa 80-90% ng feed establishments ay sumusunod sa nakatalagang standards ng feeds.

Ayon pa kay Andal, kaya ring i-analyze ang toxin na maaaring nasa feeds na pwedeng maging sanhi ng mga sakit o pagkamatay ng mga livestock, dahil nagsasagawa na rin sila ng microbiological testing na importante sa food poisoning diagnosis.

Madalas na suriin ang ‘aflatoxin’ na nanggagaling sa fungi o molds na nabubuo sa lupa at karaniwang natatagpuan sa mais lalo na kung lumalagpas sa dapat lang na moisture content ang mais.

Samantala, iginiit ni Andal na maganda pa rin ang kalidad ng mga mais sa rehiyon na kanilang napag-aaralan dahil na rin sa magandang implementasyon ng Good Agricultural Practices (GAP) ng mga magsasaka.

Dagdag pa niya, basta hindi nababasa at napapanatili ang moisture content sa mas mababa pa sa 12%, maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng aflatoxin sa mga naani.

Sa kasalukuyan, tinututukan din ng Integrated Laboratory Division sa pamamagitan ng feed lab ang operasyon ng Regional Food Technology Development and Incubation Center kalakip ng mga serbisyong naidagdag na kanilang ibinibigay para mas makatulong sa pagpapanatili ng food security sa rehiyon.

Paalala sa publiko na maging mabusisi sa pagbili ng mga feeds at sinigurong para mas mapadali ang pagtingin sa dekalidad na feeds, magkakaroon sila ng programa kasama ang Regulatory Division kung saan lalagyan ng label ang mga feeds na sumunod sa standards ng BAI.

Facebook Comments