Deklarasyon ng nationwide state of calamity sa gitna ng nagbabadyang food crisis, ipinanawagan kay Pangulong Bongbong Marcos

Kinalampag ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magdeklara ng nationwide state of calamity.

Ayon kay PCAFI President Danilo Fausto, ito ay upang masolusyunan ang mga problema at hamong kinakaharap ng bansa sa gitna ng nagbabadyang global food crisis na pinalala ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na kabilang sa mga pangunahing food producer.

Paliwanag ni Fausto, mahigit 50% ng feeds supply ay mula sa Ukraine, habang nagpatupad ng ban ang India at ilan pang bansa sa exportation ng kanilang feeds upang maprotektahan ang kanilang sariling pangangailangan.


Dagdag pa niya ay nagmahal ang abono o fertilizer kaya’t karamihan sa mga magsasaka ay hindi na gumagamit ng pataba bagay na may negatibong epekto sa food supply ng Pilipinas.

Giit ni Fausto, kung magdedeklara ng state of calamity ay mabibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na mamagitan sa pondo ng mga Local Government Unit (LGU) upang mapalakas ang supply at maiwasang tumaas ang presyo ng mga pagkain.

Makatutulong din aniya ito sa implementasyon ng Mandanas- Garcia ruling na inaasahang magpapataas sa pondo ng mga LGU sa P230 billion.

Pero, hindi naman basta-basta maaaring pakialaman ng pangulo ang pondo ng mga LGU kaya’t kailangan ng karagdagang kapangyarihan.

Sinabi pa ni Fausto, sa katunayan ay wala ng pondo ang gobyerno nang magpalit ng administrasyon kaya’t dapat ikunsidera ang pagdedeklara ng state of calamity sa lalong madaling panahon maliban pa sa pagbibigay ng ayuda sa mga food producer.

Facebook Comments