Deklarasyon ng State of Calamity sa Eastern Visayas, inirekomenda ng NDRRMC kay PBBM dahil sa pinsala ng San Juanico Bridge

Dahil sa seryosong pinsala sa San Juanico Bridge, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdedeklara ng State of Calamity sa buong Eastern Visayas.

Sa isang resolusyon na pirmado ni NDRRMC Chairman at Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr., iginiit ang agarang aksyon sa problema matapos ang assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa DPWH, simula pa noong Mayo 15 ay limitado na lamang ang mga sasakyang puwedeng dumaan sa tulay dahil sa mga natuklasang sira kung saan apektado nito ang humigit-kumulang 14,000 sasakyang dumaraan dito araw-araw kabilang ang 10% na cargo trucks.

Dahil dito, tinatayang ₱300 milyon hanggang ₱600 milyon kada buwan ang nawawala sa ekonomiya ng rehiyon.

Bukod pa rito, kulang din ang mga alternatibong RoRo routes para mapunan ang epekto ng pagkaantala ng transportasyon.

Lumabas sa pagsusuri na aabot sa ₱7 bilyon ang kailangan para sa pagsasaayos ng tulay.

Ang State of Calamity ay layong pabilisin ang paglalabas ng pondo mula sa pambansang gobyerno para agad masimulan ang pagkukumpuni at maibalik ang normal na daloy ng kalakalan at serbisyo sa rehiyon.

Facebook Comments