Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa pagdedeklara ng Metro Manila Council ng State of Calamity sa buong National Capital Region dahil sa matinding epekto ng bagyong Carina at ng habagat.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, sa pamamagitan nito ay mas mapaghuhusay ang pagtugon sa sakuna at resource allocation.
Tiniyak naman ni Col. Fajardo na committed ang PNP na palakasin ang kanilang kakayahan sa humanitarian assistance, evacuation procedures, at overall emergency response efforts.
Kasalukuyan aniyang naka-deploy ang mga tauhan ng PNP sa Metro Manila at iba pang apektadong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Sa katunayan, nasa 5,820 police personnel ang kabahagi ng search and rescue teams na walang humpay sa pagtulong sa ating mga kababayan.
Kaugnay nito, patuloy ang monitoring ng PNP sa sitwasyon at mayroong close coordination sa Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa agarang pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong.