Dela Rosa, umapela sa simbahan kaugnay ng death penalty: ‘Nasa Bibliya iyan’

Courtesy of Ronald "Bato" Dela Rosa Official Facebook Page

Humingi ng pang-unawa mula sa Simbahang Katolika si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng isinusulong na panukalang death penalty.

Ipinaliwanag ng baguhang senador na ang inihain niyang bersiyon ng batas ay para lamang umano sa mga kasong may kinalaman sa droga.

“Doon naman sa Church na mga pro-life na ayaw talaga ng death penalty, I remember lahat naman tayo sumusunod sa Bibliya. Nasa Bibliya naman ‘yang death penalty na ‘yan,” katwiran ni Bato.


Dagdag niya, may mga berso sa Bibliya tungkol sa death penalty, na hindi niya naman dinetalye.

“Sana maintindihan ng Church ‘yung aking version. Drug trafficking lang naman ‘yung aking version, hindi naman covering all the heinous crime like rape, murder, plunder,” aniya.

Hiling din ng senador na hindi maging matindi ang pagtutol sa kaniyang panukala sa 18th Congress na magbubukas sa Hunyo 22.

Si Dela Rosa ay dating Philippine National Police (PNP) chief na nanguna sa Oplan Tokhang, at naging Bureau of Corrections (BuCor) chief bago mahalal na senador.

Facebook Comments