Dinepensahan ng Malacañang ang pagkakaantala ng pagtuturok ng second dose ng Sinopharm COVID-19 vaccine kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, desisyon ng doktor ng pangulo na bakunahan ito ng second dose makalipas ang dalawang buwan.
Aniya, anumang dahilan kung bakit inabot ng sampung linggo bago naibigay ang second dose ng bakuna ay sa pagitan na lamang ito ng pangulo at ng kaniyang doktor.
Batay sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), tatlo hanggang apat na linggo lamang dapat ang interval sa dalawang dose ng Sinopharm vaccine.
“Noong tinurukan po si Presidente, presente po o present po iyong kaniyang personal physician. Hindi po nagpakita sa camera, pero he was present, so that’s a decision po of his attending physician. Although it was Secretary Duque who administered the shot. So iyan po ay isang bagay na between the President and his attending physician,” ani Roque.
Si Pangulong Duterte ay una nang naturukan ng unang dose noong Mayo 3 at nasundan ng ikalawang dose nitong Hulyo 12.