
Nakakaalarma para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pasya ni Senate President Francis Chiz Escudero na i-atras sa June 11 ang pagsisimula ng proseso para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na unang itinakda sa June 2.
Giit ni Castro, ang bawat araw ng pagkaantala sa impeachment trial ay nagdadagdag ng pangamba na maaring pinaplantsa na ang pagbabasura sa impeachment case laban kay VP Sara.
Ayon kay Castro, hindi ito makatarungan sa taumbayan na naghahanap ng hustisya at katotohanan.
Bunsod nito ay nananawagan si Castro sa Senado na tuparin ang constitutional responsibility nito at tiyakin na maisasagawa ang impeachment trial ng walang delay o tangka na huwag matupad ang layunin nito.









