Delayed at faded na national IDs ng PSA, pinuna ng ilang mambabatas

Pinuna ng ilang mambabatas ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa budget deliberations sa Kamara kahapon kasunod ng mga reklamong delayed delivery at faded o kupas na national ID cards.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera, may mga natanggap siyang reklamo mula sa nakatanggap na nito na matapos lamang ang tatlong buwan ay hindi na kaagad mabasa ang nilalaman ng ID.

Binatikos din nito ang di umano’y hacking incident sa datos nito.


Itinanggi naman ng budget sponsor na si Marikina Rep. Stella Quimbo ang hacking incident sa ahensya at tiniyak na hindi nakokompromiso ang sistema ng national ID.

Inamin naman ng PSA kay Quimbo na hindi perpekto ang kanilang mga IDs kaya ginagawa na nila ang lahat upang maihatid ang mga national IDs sa susunod na taon at papalitan ang mga burado o kupas na ID.

Pinag-aaralan naman ng mga abogado ng PSA kung may pananagutan ang kanilang printing provider hinggil sa isyu ng kalidad ng mga ID.

Batay sa datos ng ahensya, nasa higit 72 milyong Pilipino na ang rehistrado sa PhilSys.

Facebook Comments