Delayed justice kay Batocabe, posibleng maging daan sa mas maraming kaso ng pagpatay sa mga pulitiko

Manila, Philippines – Nagbabala si House Committee on Public Order and Safety Chairman Romeo Acop na posibleng dumami pa ang mga kaso ng pagpatay sa mga high-profile political leaders sa buong bansa dahil sa mabagal na hustisya sa pinaslang na si Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.

Ayon kay Acop na isang dating PNP comptroller, maaaring humikayat sa mga gun-for-hire-groups na pumatay ng mga pulitiko ngayong papalapit ang 2019 Midterm polls dahil sa napakabagal na judicial process ng bansa.

Aniya, maaaring isipin ng mga kriminal na napakadaling pumatay ng kongresista o ng isang pulitiko lalo na sa pinakahuling kaso ni Batocabe at sa aide nitong si SPO1 Orlando Diaz na halos walang makapagturo kung sino ang utak sa pagpatay.
Paliwanag ng kongresista, sinasamantala din ng mga kriminal ang kahinaan at mabagal na proseso ng hustisya hindi lamang sa kaso ni batocabe kundi sa iba pang criminal activities sa bansa.


Hindi na magtataka si Acop kung sa mga susunod na buwan ay dadami pa ang mapapabalitang matatas na opisyal o pulitiko na mapapatay sa papalapit na halalan.

Pinatitiyak naman ni Negros Occidental Representative Albee Benitez sa mga otoridad na mapapanagot sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pagpaslang sa kanilang kasamahan.

Sinabi pa ni Benitez na ang karumal-dumal na pagpatay kay Batocabe ay malinaw na pag-atake din sa Kongreso bilang isang institusyon.

Facebook Comments