Pinasisilip ng mga kongresista sa Makabayan ang delay sa pagbili at paggamit ng body cameras ng Philippine National Police (PNP).
Kaugnay ito ng sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga awtoridad sa paglabag sa karapatang pantao tulad na lamang sa pagpatay ng isang Police Officer sa mag-inang Gregorio sa Tarlac at ang police operations sa Panay Island na ikinasawi ng siyam na Tumandok indigenous people.
Sa House Resolution 1480 na inihain ng anim na kongresista ng Makabayan, kinukwestiyon dito ang P334 Million na budget na inilaan sa PNP noong 2018 para pambili ng body cameras.
Nakaplano na ang pagbili noong Hunyo 2018 ng 12,476 body cameras ngunit napurnada ang procurement ng mga body camera matapos na masangkot ang tatlong police majors sa pangingikil.
Kaugnay pa nito, December 2019 lamang nang mapili ng PNP ang winning bidder para sa 2,969 units ng body camera na aabot sa P288 million at nakatakda sanang ipa-deliver noong April hanggang May 2020 ngunit nabinbin bunsod naman ng mga limitasyon dahil sa pandemya.