Manila, Philippines – Humingi ng paumanhin ang delegasyon ng Pilipinas sa mga opisyal ng Russia kasunod ng biglaang pag-uwi ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagdedeklara nito ng martial law sa buong Mindanao dahil sa pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano – nauunawaan ng mga ito na prayoridad nila ang kaligtasan ng buong bansa sa ngayon.
Bagamat uuwi ang pangulo para asikasuhin ang sitwasyon ng seguridad sa bansa, sinabi ni Cayetano na mananatili siya sa Russia.
Nabatid na sandali ring nakapag-usap ang Pangulong Duterte at Russian President Vladimir Putin at ipinaliwanag nito ang sitwasyon sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Cayetano na posible pa ring mag-usap sa telepono sina Putin at Duterte.
DZXL558