Delegasyon ng Pilipinas na dumalo sa conference sa Panama, nasita sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee

Nasita sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang napakaraming myembro ng delegasyon ng Pilipinas na dumalo sa 10th Conference of Parties (COP10) para sa WHO Framework Convention on Tobacco Control (WHO-FCTC) kung saan nagawaran pa ng “Dirty Ashtray Award” ang Pilipinas.

Ang naturang event ay ginanap sa Panama noong February 5 hanggang 10.

Ito na ang panglimang beses na nakatanggap ang bansa ng award na layong tawagin ang pansin ng mga bansang naiimpluwensyahan ng pagla-lobby ng tobacco industry sa halip na unahing itaguyod ang kalusugan ng publiko.


Sa pagdinig, kinumpirma ni Senior Deputy Executive Secretary at head ng Philippine delegation sa COP10 na si Atty. Hubert Dominic Guevara na 34 silang nagtungo sa Panama at puna ni BRC Chairperson Senator Pia Cayetano, mas malaki pa ang delegasyon ng Pilipinas kumpara sa delegasyon mula sa China at Russia.

Paninita pa ng senadora, marami pala tayong pera para magpadala ng isang malaking delegasyon dahil bukod sa Department of Foreign Affairs, Department of Health at Food and Drug Administration ay dumalo rin ang ilang opisyal mula sa Department of Trade and Industry, National Tobacco Administration, Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government, Department of Education at Presidential Legislative Liaison Office.

Katwiran naman ni Guevara, ito ang unang pagkakataon na manguna siya sa isang delegasyon at unang biyahe niya rin sa labas ng bansa mula nang maitalaga sa Office of the President kaya naman inakala niya na isang ‘regular thing’ o normal lang ang ganitong ‘whole of government approach’.

Sa kabilang banda ay aminado naman si Guevara na sumobra ang laki ng delegasyon kaya sa susunod ay lilimitahan na lamang nila ang bilang at pipiliin na lamang kung sino ang mga pinaka-kailangan na kumatawan sa bansa.

Facebook Comments