Deliberasyon ng CA para sa nominasyon at kumpirmasyon ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, sinuspinde

Sinuspinde ng Commission on Appointments (CA) ang deliberasyon para sa nominasyon at kumpirmasyon ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.

Ito ay dahil kinulang na sa oras ang panel dahil kailangan pang i-convene ang plenaryo para sa sesyon ngayong hapon at nagsagawa pa ng executive session na hirit ni CA Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Si CA Majority Leader Luis Raymund Villafuerte ang nagmosyon na suspendihin muna ang deliberasyon na sinegundahan naman ni Senator JV Ejercito.


Bago ito ay nagpahayag ng pagkadismaya si Senator Imee Marcos sa kabiguan ni Manalo na dumalo sa organizational hearing ng Senate Committee on Foreign Relations kung saan Chairman ng komite ang senadora gayundin ang pagka-delay sa pagsusumite ng posisyon ng ahensya sa mga usapin tulad ng Visiting Forces Agreement, Code of Conduct in the South China Sea, at Regional Comprehensive Economic Partnership.

Napag-usapan din sa komisyon ang mabagal na proseso ng pag-i-isyu ng passport.

Kinatigan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang posisyon ni Marcos sa hindi pagharap ni Manalo sa pagdinig at inihayag na hindi madedepensahan ng Senado ang 2023 budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung hindi sila ibi-briefing tungkol sa mga plano at programa ng ahensya.

Nagpahayag naman ng panghihinayang si Manalo at humingi ng paumanhin sa hindi pagdalo sa mga naunang pagdinig ng komite at wala aniya siyang intensyon na hindi makipag-cooperate sa komite.

Samantala, nakumpirma na ng CA sina Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez at Permanent Representative of the Philippines to the United Nations Antonio Lagdameo.

Facebook Comments