Deliberasyon ng P4.5 trillion national budget sa plenaryo, sinimulan na ng Kamara

29

Inumpisahan na ngayong araw ang diberasyon sa plenaryo para sa P4.5 trillion 2021 national budget.

Si Appropriations Committee Chairman Eric Yap ang nag-sponsor ng House Bill 7727 sa plenaryo o ang panukalang National Expenditure Program sa susunod na taon.

Muli namang hinimok ni Yap ang mga kasamahang mambabatas na magkaisa at magtulungan para sa agad na pag-apruba sa pambansang pondo.

Ipinunto pa ni Yap na maituturing itong pinakamahalagang budget dahil ito ay pantugon din sa pag-bangon mula sa epekto ng COVID-19.

Samantala, si Appropriations Vice Chairman at Albay Representative Joey Salceda naman ang unang sumalang para depensahan ang pambansang pondo.

Sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo, nakwestyon nito kung sapat ba ang P106 billion na tulong para sa mga maliliit na negosyo sa bansa para makabalik sa operasyon.

Bagama’t aminado si Salceda na kung titingnan ay hindi ganoon kalaki ang pondo para sa assistance sa mga negosyo ay tiniyak naman ng kongresista na may iba pang legislative measures at stimulus na mapagkukunan ang pamahalaan para sa pagbangon ng ekonomiya sa kabila ng pandemya.




Kabilang dito ang pagsasabatas sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE), Public Services Act, Foreign Investments Act at Retail Trade Liberalization Act.

Facebook Comments