Ipinagpaliban ng Kamara ang deliberasyon sa P15 bilyon na 2022 budget ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito ay matapos hindi makuntento si Marikina Rep. Stella Quimbo sa mga paliwanag ng TESDA kaugnay sa mataas na budget ng ahensya pero mababa naman ang utilization rate.
Tinukoy ni Quimbo na mula 2016 nasa P7.5 bilyon ang pondo ng TESDA na dumoble pa sa P14.5 bilyon sa 2019 at tumaas pa sa P17 bilyon ngayong 2021.
Pero pagdating sa obligation rate ng TESDA, kapansin-pansin aniya ang pagbaba nito.
Sinabi ni Quimbo na noong 2017-2018, bumaba ang obligation rate ng sampung puntos o 88% mula sa 98%; habang 83% mula sa 91% naman ang ibinaba ng obligation rate mula 2019-2020.
Katwiran naman ng sponsor ng TESDA budget na si Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos Jr., dahil sa delay sa approval ng 2019 budget at dahil sa pandemic na nagsimula noong 2020 kaya bumagal ang utilization sa pondo.
Ngunit puna ng mambabatas, sa kabila ng mababa at mabagal na paggastos sa pondo ay bakit lumaki pa ang budget ng TESDA sa 2021 ng 30%.
Nasita rin ng kongresista ang tila himalang paggastos ng TESDA sa loob ng 13 araw o mula ika-10 ng Setyembre hanggang ika-23 ng Setyembre ng unobligated funds na P4.9 bilyon kung saan P973 milyon na lang ang natitira.
Ikinabahala rin ni Quimbo ang Commission on Audit o COA 2020 audit report kung saan inilipat ng TESDA ang P2 bilyon na pondo sa Philippine International Trading Corp. (PITC) na hindi rin nagamit ng ahensya.