Sinuspinde ng Trade and Industry Committee ng Commission on Appointments (CA) ang deliberasyon sa ad interim appointment ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual.
Dahil dito, hindi natuloy ngayong araw ang pag-apruba ng CA sa ad interim appointment ng kalihim kaugnay na rin sa mga isyung inilatag sa ahensya.
Nausisa ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang reklamo ng mga empleyado sa umano’y ‘abuse of authority’ na ginagawa ni Philippine Economic Zone Authority (PEZA) OIC Director General Tereso Panga sa mga tauhan.
Ayon kay Pimentel, ang PEZA ay nasa ilalim ng pamamahala ng DTI at si Pascual mismo ang nagtalaga kay Tereso bilang OIC-DG kapalit ni dating PEZA Dir. Gen. Charito Plaza.
Pinuna ng kongresista ang umano’y paghihiganti ni Panga sa mga empleyadong ‘identified’ kay Plaza kung saan sinibak ang lahat ng mga contractual habang ang mga permanent employees ay isinailalim sa ‘floating status’.
Itinanggi ni Pascual na siya ang nagtalaga kay Panga at katunayan ngayon lamang umano niya nalaman ang reklamo.
Hindi naman naniwala si Pimentel na ngayon lang nalaman ni Pascual ang iregularidad na ginagawa ni Panga lalo’t apat na buwan na ito sa PEZA at hindi naman maglalakas loob ito kung walang utos mula sa kalihim.
Napuna rin ni Senator Imee Marcos ang hindi consistent na sagot ni Pascual sa 70 empleyado na na-demote, natanggal at nailipat sa ibang posisyon sa PEZA.