Posibleng isagawa sa mga malalayong lugar sa bansa ang pagdinig ng Senado kaugnay sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon kay Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Senator Robinhood Padilla, maaari nilang gawin ang pagtalakay sa pag-amyenda ng Saligang Batas sa iba’t ibang lugar sa bansa upang sa gayon ay mailapit at maunawaan ng mga karaniwang Pilipino sa mga probinsya ang iminumungkahing pagbabago sa Konstitusyon.
Dagdag ni Padilla, titiyakin niyang hindi “one-sided” ang magiging takbo ng deliberasyon sa pag-amyenda ng Konstitusyon dahil bukod sa mga nagsusulong ng Federalismo ay kasama rin sa pinadalo ang mga naniniwala sa kasalukuyang Saligang Batas.
Kasalukuyan ngayon ang pagdinig ng komite ni Padilla tungkol sa Charter Change (Cha-Cha) kung saan kasama sa mga humarap ngayon sina National Security Adviser Dr. Clarita Carlos at UP School of Economics Prof. Solita Monsod.
Muli naman iginiit ni Padilla na ang pagdinig sa pag-amyenda ng Saligang Batas ay para sa kaunlaran at para malaman ang pangangailangan ng mga kababayan.