Delivery ng lugaw, exempted sa curfew 

Iginiit ni San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Rida Robes na hindi dapat hinaharang ang mga food deliveries.

Kasunod ito ng viral video na hinarang sa checkpoint sa Barangay Muzon, San Jose del Monte City ang food delivery ng lugaw kung saan iginigiit ng tauhan ng barangay na hindi essential ang lugaw at mabubuhay ang tao ng walang lugaw.

Ayon kay Robes, ang lugaw ay pagkain na bahagi sa exemption na maideliver sa ilalim ng guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) kahit na umiiral ang curfew.


Sinabi pa ni Robes na maaaring may sakit pa ang umorder nito at ipinagkait ng mga nagmamando sa checkpoint.

Nilinaw rin ng lady solon na walang anumang kautusan ang San Jose del Monte City government sa pangunguna ni Mayor Arthur Robes na harangin ang food delivery.

Nanawagan naman ito sa mga barangay official at pulis na nagmamando sa checkpoint na basahin at intindihing mabuti ang nilalaman ng IATF guidelines.

Gayunman, sinabi ni Robes na maaari naman na tingnan kung pagkain nga ang dala ng isang nagdedeliver ng pagkain pero kapag natiyak na totoo ang sinasabi ng rider ay dapat itong palagpasin para madala sa nag-order.

Facebook Comments