
Pinangunahan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno, kasama ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs), ang inspeksyon sa mga abandonadong balikbayan boxes na matagal nang nakatengga sa mga bodega.
Ayon kay Nepomuceno, umaabot sa 144 container vans ang naglalaman ng tinatayang 50,000 hanggang 130,000 balikbayan boxes, depende sa laki ng mga container. May ilan na halos dalawang taon nang nananatili sa bodega.
Tiniyak ng opisyal na maihahatid ang mga balikbayan boxes ng door-to-door sa buong bansa bago mag-Pasko o hanggang sa unang linggo ng Enero 2026, para matanggap na ng mga pamilya at kaanak ng mga OFW na matagal nang naghihintay.
Karamihan ng mga padala ay nagmula sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia, Qatar, at Dubai.
Aabot naman sa 11 consolidators o shipping companies ang sinasabing nabigong magbayad at nagpabaya sa mga balikbayan boxes, at sila ay hahabulin at pakakasuhan ng BOC.









