Delivery Truck Ng Tinapay, Minalas

160

Reina Mercedes, Isabela – Timbuwang ang isang delivery truck matapos antukin kaninang madaling araw ang driver nito habang nagmamaneho sa kahabaan ng Maharlika Hi-way, Cutog Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.

Sa impormasyon na nakalap ng 98.5 DWKD RMN News Team, sa mismong driver na sa kabutihang palad ay di man lang nagalusan ay nagmamaneho siya ng alas kuwatro ng madaling araw nang siya ay nakaidlip habang hawak ang manibela. Dahil dito ay sumadsad ang kanyang sasakyan sa kaliwang bahagi ng hi-way. Ikinuwento pa na bago mangyari ang aksidente ay maraming oras na siyang nagmamaneho mula pa sa Taguig, Metro Manila upang maghatid sana ng mga kalakal na tinapay papuntang Ilagan, Isabela.


Nakilala ang driver na si Jason dela Cruz, 26 anyos at tubong San Juan, Metro Manila samantalang ang kanyang pahinante ay si Moises Aurellanida na kapareho din niyang taga San Juan.

Agad ding naalis ang naturang trak sa pagkakatimbuwang nito sa gilid ng hi-way gamit ang pay loader na nakatambay sa ginagawang kalsada na siyang pinangyarihan ng aksidente.

Bagamat walang nasaktan sa naturang aksidente ay nakapagdulot ito ng konting abala sa mga motorista habang ibinabangon ang natumbang trak sa gilid ng hi-way.


Facebook Comments