Demand ng China na alisin ang nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, hindi dapat pagbigyan ng Pilipinas

Hindi dapat pinapansin ng Pilipinas ang mga demand ng China pagdating sa usapin sa West Philippine Sea gaya ng utos nitong alisin ang nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon sa marine law expert na si UP Prof. Jay Batongbacal, walang basehan ang mga ganitong demand at pananakot lang ito ng China.

Kung pagbibigyan ito ng Pilipinas, tiyak aniyang sasamantalahin ito ng China para maangkin ang bahura.


“Matagal na nilang pinag-iinitan yang Ayungin Shoal, gusto nilang hatakin yang barko natin dyan para nga mawala tayo sa lugar na yan,” ani Batongbacal sa interview ng RMN Manila.

“Oras po na pinagbigyan natin sila, sigurado they will take over at mas makakalapit pa sila sa Pilipinas dahil yang Ayungin, mga 100 nautical miles lang po ang layo niyan sa Palawan, mas malapit pa po yan sa Mischief Reef ‘no, kung saan sila nagtayo ng isang malaking military base.

“So, kaya nga siguro ayaw nilang nandyan yung Sierra Madre e kasi mula sa Sierra Madre, mamamanmanan natin yung activities nila sa Mischief Reef,” dagdag niya.

Kaugnay nito, iginiit ni Batongbacal na dapat palakasin ng Pilipinas ang presensya at pagpapatrolya ng mga barko nito sa West Philippine Sea.

Nakakatulong din ang patuloy na paghahain ng bansa ng diplomatic protest laban sa China para makita ng international community ang totoong posisyon ng Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.

“Makakatulong po ‘yan [diplomatic protest] in the sense na magiging malinaw palagi kung ano ang posisyon natin at hindi nagbabago. Kasi ang hirap po, nitong nakaraang limang taon, parang nagkakaroon ng alinlangan dahil sa mga statement po ni Presidente, mas lalo tuloy lumalakas ang loob nung kabila na gawin ang kahit anong gusto nilang gawin,” saad pa ng marine law expert.

“At least with the diplomatic statements e malinaw na hindi tayo basta basta rin lang titiklop at dahil dun medyo nagkakaroon din ng siguro ng konting pagpipigil. Isa pa, dahil malinaw yung posisyon natin, nakikita rin ng international community kung sino ang dapat nilang kampihan,” paliwanag ni Batongbacal.

Facebook Comments