Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy ang ibang mga bansa na tatanggap ng mga Filipino nurses at iba pang health workers mula sa Pilipinas.
Ito ang tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pagdinig ng Senado hinggil sa proposed 2021 budget ng ahensya.
Ayon kay Bello, marami pa ring bansa ang nais na magpadala ang Pilipinas sa kanila ng Filipino nurses.
“Kasi lahat ng mga countries, keep telling us to send our nurses. In short, your honor, our nurses are the most referred nurses in the world,” ani Bello.
Dagdag pa ni Bello, nasa tatlong foreign ambassadors ang nakausap niya at humiling na magpadala ng Filipino nurses sa kanilang bansa.
Bukod dito, may ilang embahada ang naghayag din na gusto nilang tumanggap ng Filipino nurses.
“Talagang mahal na mahal ang ating mga nurses. Kasi ang sisipag ng mga nurses natin kaya hindi po tayo maawalan ng market when it comes to health care workers,” sabi ni Bello.
Nanindigan din ang DOLE na nananatiling bukas ang Duterte Administration na magpadala ng nurses abroad, pero kailangan ding tiyaking hindi mauubusan ang Pilipinas ng skilled medical workers sakaling lumala ang coronavirus outbreak.
“That’s why we cannot afford an unlimited deployment of our nurses. We just have to wait,” dagdag pa ni Bello.
Pagtitiyak ng kagawaran na ikokonsidera nila ang hiling na bawiin ang deployment ban kapag bumuti ang COVID-19 situation sa bansa.
Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga health workers na mayroong kumpletong dokumento mula nitong August 31, 2020 ay maaari nang umalis ng bansa.