
Pansamantalang itinigil ang nakatakdang demolisyon sa Brgy. 262 at 264 sa Mayhaligue Street sa Tondo, Maynila.
Paliwanag ni Sheriff Raymundo Rojas ng Metropolitan Trial Court, humanitariam consideration ang kaniyang pinairal dahil sa masamang lagay ng panahon lalo na’t mahihirapan makahanap ng matutuluyan ang mga residente.
Ayon pa kay Rojas, nasa ilalim kasi ng batas na dapat itigil ang demolisyon kapag umuulan kung saan kanila naman itong itutuloy kapag naging maayos ang lagay ng panahon.
Humupa na rin ang tensyon sa pagitan ng mga residente at ng demolition team matapos umulan pero desidido si Sheriff Rojas na ipatupad ang kautusan ng korte.
Giit pa niya, tanging TRO o temporary restraining order mula sa korte ang makakapagpigil sa demolisyon na ilang taon ng hindi naipapatupad.
Sinabi naman ng ilang mga residente, nais nilang makita ang kautusan o dokumento mula sa korte at magkukusang aalis pero mabigyan sana sila ng disenteng malilipatan.









