11 buwan bago ang 2025 midterm elections ay ipinakita sa iba’t ibang mga grupo at mga organisasyon ang integridad ng mga technical resources na gagamitin sa 2025 elections.
Pinangunahan ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman John Rex Laudiangco ang testing sa automated counting machine na isinasagawa sa UP Diliman.
Kabilang sa mga audience sa demonstration ay ang grupong Kontra Daya, Bayan Muna, academe, mga estudyante at iba pang mga grupo.
Ayon kay Laudiangco, bahagi ito ng hakbang ng COMELEC para ipakita sa publiko ang kahandaan ng COMELEC at sa mga gagamiting ACM.
Bukod sa regular na proseso mula sa pagboto hanggang sa pagtanggap ng ACM sa balota ipinakita rin ang pagbibilang ng boto sa loob ng isang precinct center.
Pero ayon kay Kontra Daya Convenor at UP Prof Danilo Arao, bagama’t positibo naman ang kanilang pagtingin sa ipinakita ng ACM subalit hiling ng grupo na masubok ang accuracy ng mga ito sa mas malawak na audience sa pamamagitan live demo hanggang sa huling proseso ng halalan.
Pero sabi ng tagapagsalita ng COMELEC, sa susunod na linggo ay ipapakita ng ahensya kasama ng contractor ang buong infrastructure process na masasaksihan ng publiko.