Cauayan City – Matapos makapagtala ng ilang kaso ng Dengue kamakailan sa Brgy. District 3, Cauayan City, ikinatuwa ng pamunuan ng nabanggit na lugar na hindi na ito muling nasundan pa.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Brgy. Captain Lorenzo Mangantulao, sinabi nito na nasa maayos na kalagayan na ang mga residente mula sa kanilang barangay na tinamaan ng sakit na Dengue.
Aniya, upang mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng nabanggit na sakit, sa pangunguna ng mga barangay officials, staffs, mga residente, 4Ps, at mga miyembro ng TUPAD ay tuluy-tuloy ang ginagawa nilang paglilinis sa kanilang kapaligiran.
Dagdag pa niya, nakahanda na rin ang mga gamot na kanilang gagamitin sa pag i-spray sa mga kabahayan partikular na sa Purok 6 at Purok 7 kung saan naitala ang mga kaso ng Dengue.
Samantala, nakatakdang isagawa ang pag i-spray ng gamot oras na gumanda na ang panahon kaya naman habang hindi pa ito sinisimulan, pinakikiusapan ng kapitan ang mga residente na gawing regular ang paglilinis sa kanilang kapaligiran upang maiwasan na pamugaran ito ng mga lamok na posibleng may dalang dengue.