Lumagpas na sa ‘alert epidemic threshold’ ang naitatalang kaso ng dengue ng ilang probinsya sa Cagayan Valley.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ibig sabihin nito ay mas mataas na ang mga kaso ngayon kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Nakapagtala na rin ang DOH ng walong mga nasawi dahil sa dengue mula noong Enero hanggang nitong Mayo.
Karamihan din aniya sa mga kaso ng dengue na naiulat sa rehiyon ay nagmula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya.
Kasunod nito, naglaan na rin ang DOH ng pondo para tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon at naglagay na rin sila ng fast lane sa mga ospital para sa mga dengue patients.
Nauna nang sinabi ng DOH na mahigpit ding binabantayan ang Central Luzon, Central Visayas at Zamboanga Peninsula dahil sa mataas na kaso ng Dengue.