Posibleng magdeklara na ang Department of Health (DOH) ng dengue outbreak sa bansa.
Sa gitna ito ng patuloy na pagsipa ng mga kaso ng dengue na umabot na sa tinatawag na “outbreak level”.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na magdedeklara siya ng dengue outbreak dahil sa mga kaso ng dengue na naitala batay na rin sa pakikipag-usap niya sa Epidemiology Bureau director.
Sa pinakahuling datos ng DOH, mula nang pumasok ang taon ay nasa 136,161 ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa hanggang nitong unang linggo ng Agosto.
Tatlumpu’t tatlong porsyento (33%) itong mas mataas kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pero kahit mas marami ang kaso, mas mababa naman ang napaulat na nasawi ngayong taon na nasa 364 lamang kumpara sa 401 noong 2023.