Dengue, tinututukan na rin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong tag-ulan

Sa kabila ng pagtutok ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa COVID-19, nagsasagawa na rin ng mga aktibidad ang Manila Health Department (MHD) kontra dengue lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Tuluy-tuloy na isinasagawa ng MHD ang kanilang programa na “Aksyon Barangay Kontra Dengue” kung saan layunin nito na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga residente hinggil sa pag-iwas sa nasabing sakit.

Bukod dito ay nagsasagawa ang mga opisyal ng bawat barangay katuwang ang MHD-Division of Sanitation at Insect and Vermin Office ng paglilinis gayundin ang paglalagay ng mga kemikal sa drainage o mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok.


Pinaalalahanan din ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang bawat residente na panatilihing malinis ang kanilang bahay gayundin ang paligid at labas ng bahay upang hindi ito pamugaran ng mga insekto lalo na ang mga lamok.

Samantala, tuluy-tuloy rin ang isinasagawang declogging operations ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) bilang paghahanda sa mga inaasahang darating na malalakas na ulan at maaaring magresulta ng pagbaha sa lungsod.

Bukod naman sa mga imburnal ay nagsasagawa rin ang Department of Public Services (DPS) ng paglilinis sa mga estero upang matanggal ang mga basura at mga burak na maaaring magbara at magdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa Maynila.

Facebook Comments