Wednesday, December 18, 2024

Dengue virus, puwedeng maipasa sa pakikipagtalik – DOH

Maliban sa kagat ng lamok, puwedeng maipasa ang dengue virus sa pamamagitan ng pakikipag-sex, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.

Ayon sa kalihim, tatlong araw nananatili sa dugo at ihi ng tao ang dengue virus. Subalit meron din impeksyon ang semilya ng isang lalaki na tumatagal ng 37 araw.

Nitong Sabado, naitala sa Espanya ang kauna-unahang kaso ng sexual transmitted dengue disease matapos makipagtalik ng 41-anyos na lalaki sa partner niyang tinamaan din ng naturang sakit.

Batay sa ulat, dinapuan ng nasabing virus ang partner niya habang naglalakbay sa Cuba.

Pero paglilinaw ni Duque, bihira itong mangyari at posibleng naipasa ang sakit sanhi ng unprotected sex.

Sa datos ng World Health Organization (WHO), pumapalo sa 390 milyong indibidwal ang nagkakaroon ng dengue sa iba’t-ibang panig ng mundo kada taon.

Muling pinayuhan ng kagawaran ang publiko na magkaroon ng proteksyon tuwing nakikipagtalik at panatilihing malinis ang kapaligiran para hindi pamahayan ng lamok.

Facebook Comments