Manila, Philippines – Pitumpu’t isang kabataan na pawang nabakunahan ng Dengvaxia vaccine ang naisugod na sa Quirino Memorial Medical Center dito sa Quezon City mula pa noong Disyembre.
Ayon kay Dra. Ofelia De Leon, OIC ng Professional Training and Research, ang mga kabataang ito ay may edad siyam hanggang labing apat.
Sa bilang na ito ay walo ang nakumpirmang positibo sa dengue pero lahat sila ay napauwi na.
Bagama’t nabakunahan ang mga ito ng Dengvaxia bago pa naisugod sa ospital, sinabi ni De Leon na hindi naman lumala ang kanilang kalagayan kaya nai-discharged din ang mga pasyente.
May dalawampu’t dalawa pang mga bata ang natitirang naka confine sa QMMC subalit nilinaw ni De Leon na sampu dito ang nakatakda nang i-discharge sa araw na ito.
Ang mga matitira pang iko-confine ay may ibat ibang sakit na walang koneksiyon sa dengue.
Ayon naman kay Quezon City Health Department Head Dr. Verdades Linga, dumami ang dinalang kabataan sa QMMC matapos sabihan ng barangay officials na magpa-check up ang mga ito kasunod ng isyu sa Dengvaxia.