Manila, Philippines – Naghain sa Department of Justice (DOJ) ng kanyang rejoinder affidavit si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Kaugnay ito ng mga kasong kriminal na isinampa ng VACC at ng Vanguard of the Philippines Inc. hinggil sa kontrobersyal na Dengvaxia anti-dengue mass immunization program ng DOH.
Kabilang din sa mga inirereklamo sina dating Budget Secretary Florencio Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin, at ilang mga kasalakuyan at dating opisyal ng DOH gayundin ang mga opisyal Sanofi Pastueur at ng Zuellig Pharma.
Kabilang sa mga isinampang reklamo ay paglabag sa Government procurement law, Anti-graft and Corrupt Practices Act, Technical Malversation at paglabag sa Article 365 ng Revised Penal Code o Criminal Negligence.
Kinuwestyon naman ng dating Pangulong Aquino ang naging resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine na nagkakahalaga ng P3.5-Billion.
Aniya, pinadalhan lamang sila ng subpoena ng NBI noong May 25, 2018 kung saan pinadalo niya ang kanyang mga abogado.
Matapos anya nito ay wala nang sumunod pang komunikasyon sa kanila ang NBI hanggang sa nabalitaan na lamang sa media na nagsampa na pala ng kaso ang NBI sa Ombudsman.