Manila, Philippines – Inihayag ng pamunuan ng Department of Health (DOH) na mayroong mga batang naturukan ng Dengvaxia ang isinugod sa pampublikong pagamutan gaya ng Jose Reyes Medical Center, Tondo General Hospital at San Lazaro Hospital.
Base sa talaan ng Jose Reyes Medical Center umaabot na sa 58 mga bata ang na-admit na karamihan sa mga itoy naturukan ng Dengvaxia, habang ang iba naman ay nagkasakit ng Dengue, lagnat at sakit sa ulo na may mga edad na 12-anyos pababa.
Paliwanag ng DOH na sa Tondo General Hospital at San Lazaro Hospital ay binibigyan naman nila ng prayoridad ang mga hinihinalang mayroong sakit na Dengue at naturukan ng Dengvaxia.
Aaminado ang mga doktor ng naturang mga hospital na takot at pangamba ang nadarama ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia dahil na rin sa napaulat na marami nang nasawi dahil sa naturukan ng Dengvaxia.
Tiniyak ng DOH na agad binibigyan ng importansiya ng mga doktor ang mga natuturukan ng Dengvaxia at mayroon na silang nakalaan na Fast Lane para sa mga batang naturukan ng Dengvaxia.