Manila, Philippines – Pinasisipot ng Department of Justice (DOJ) panel sa June 4 sina Dating Pangulong Noynoy Aquino, Dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Janette Garin kaugnay ng kinakaharap nilang kaso may kinalaman sa Dengvaxia controversy.
Ito ay matapos bigyan ng panel ng dalawampung araw ang grupo ni P-Noy at iba pang respondents para mag sumite ng kanilang counter affidavit at personal itong panumpaan sa susunod na hearing.
Ang reklamong kriminal laban sa grupo ni Pnoy at isinampa ng
Volunteers Against Crime and Corruption, at Vanguard of the Philippine Constitution Inc.
Bukod pa ito sa kaso naman na isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO) at ng mga magulang ng mga batang namatay sa anti-dengue vaccine.
Hindi na mag-iisyu ng subpoena ang DOJ panel sa respondents maliban lamang sa walong opisyal ng Sanofi Pasteur.
Ang walong Sanofi officials na karamihan ay mga dayuhan ang mga padadalahan ng subpoena ng DOJ matapos na hindi sila sumipot sa hearing ngayong araw at wala ring abogadong dumating para kumatawan sa kanila.
Dumating naman sa pagdinig ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH) na respondents sa reklamo.
Nahaharap ang mga respondents sa paglabag sa Government procurement law, Anti-graft and corrupt practices act, technical malversation at paglabag sa Article 365 ng Revised Penal Code o Criminal negligence.
Naniniwala ang VACC at Vanguard na nagkaroon ng anomalya sa pagbili ng pamahaan ng ₱3.5 Billion na Dengvaxia anti-dengue vaccines.
Ayon sa complainants, halatang ginamit ang programang ito ng DOH sa pulitika sa ilalim ng Aquino administration.