Manila, Philippines – Kumbinsido Senators Joel Villanueva, Jv Ejercito at Win Gatchalian, na walang kasalanan si dating pangulong Noynoy Aquino sa isyu ng dengvaxia.
Ayon kay Senator Villanueva, siya ay nasa panig ng dating pangulo, base na rin sa sitwasyon, mga impormasyon at mga pag-aaral na isinagawa noon ng desisyunan ang pagbili ng anti-dengue vaccine.
Buo naman ang paniniwala ni Senator Ejercito na mabuti ang intensyon ni dating Pangulong Aquino sa pagbili ng Dengvaxia para pigilan ang posibleng dengue outbreak.
Sa tingin ni Ejercito, kung may mali man ay walang dapat sisihin kundi ang mga dating opisyal ng dating administrasyon na posibleng nagbigay ng maling impormasyon sa Pangulo.
Diin naman ni Senator Gatchalian, responsibilidad ng mga alter ego ng Pangulo tulad ni dating Health Secretary Janet Garin na tiyaking sapat ang mga pagsusuri at impormasyon sa bakuna na ibibigay sa publiko.
Ipinunto ni Gatchalian, na sa pagdinig ng Senado ay lumabas na hindi kumpleto ang mga impormasyon na ibinigay ni Garin kay dating pangulong Aquino na siyang pinagbasehan ng desisyon nito na magpatupad ng malawakang anti-dengue immunization sa mga mag-aaral.