Manila, Philippines – Ikinalungkot ni dating Health Secretary Janette Garin ang galit at tangkang pagkuyog sa kanya kahapon sa kamara ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Naniniwala din si Garin na may mga grupong nananamantala sa sentimyento ng nabanggit na mga magulang kaya iba aniya sa mga ito ang sumisigaw kahapon na huwag ng mag-imbestiga at magpatayan na lang.
Dahil dito ay nakikiusap si Garin sa mga lumilikha ng gulo at panic na tumigil na dahil hindi na maganda ang nangyayari at hindi na napapakinggan ng mga magulang ang totoong sitwasyon at kung ano ang mga dapat gawin.
Sabi ni Garin, nauunawaan niya ang nararamdaman ng mga magulang pero huwag naman sana anyang isisi sa dengvaxia ang pagkamatay ng bawat bata.
Umaapela si Garin sa mga magulang na maging kalmado at makinig sa mga pahayag ng Department of Health (DOH) at kanilang mga doktor.
Nagdesisyon naman ngayon ang Blue Ribbon Committee na padalhan na ng subpoena sina PAO Chief Atty. Percida Acosta at PAO Forensic Laboratory Dir. Dr. Erwin Erfe.
Ayon kay Senator JV Ejecito, tatlong beses na kasi iniindiyan Nina Acosta at Erfe ang pagdinig ng Senado ukol sa kontorobersyal na Dengvaxia.