DENGVAXIA | Ika-11 kaso kaugnay ng Dengvaxia controversy, isinampa ng PAO

Manila, Philippines – Naghain ang Public Attorney’s Office (PAO) ng ika-11 reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DOH) kaugnay ng Dengvaxia anti-dengue vaccine ng DOH.

Tumatayong complainant sa kaso si Mrs. Rowena Villegas – Ina ng onse anyos na si Michael Tablate na namatay noong October 31, 2017 matapos maturukan ng Dengvaxia.

Kasama sa respondents sa isinampang kaso ni Villegas sina dating Health Secretary Janette Garin, mga opisyal ng Sanofi Pasteur, Inc. na sina Carlito Realuyo, Stanislas Camart, Jean Louis Grunwald at Jean-Francois Vacherand.


Ang mga isinampang kaso laban sa respondents ang paglabag sa Anti-Torture Law at paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines, partikular ang probisyon sa ‘defective product,’ at ‘mislabeled product.’

Ayon kay Ginang Villegas, unang nabakunahan ang anak niyang si Michael noong March 29, 2016 at nasundan ito ng isa pang dose noong November 10, 2016 at ikatlong shot noong July 12, 2017.

Aniya, isang Linggo matapos ang ikatlong bakuna kay Michael ay nakaranas na ito ng pagkahilo, pananakit ng ulo at pagsusuka.

Binigyan si Michael ng paracetamol subalit noong Oktubre 2017, inatake naman ito ng asthma o hika at matapos ma-confine sa ospital ay binawian na siya ng buhay.

Facebook Comments