Manila, Philippines – Sinampahan sa Department of Justice (DOJ) ng mga kasong kriminal sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget secretary Florencio Abad at dating Health secretary Janette Garin.
Ang mga kaso ay isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution (VCPI) kaugnay ng pagbili sa Dengvaxia vaccine.
Kabilang sa mga isinampang kaso laban sa grupo ni Aquino ang paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act, Government Procurement Reform Act, technical malversation at criminal negligence o reckless imprudence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code.
Kasama rin sa mga kinasuhan labing-pitong kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Health (DOH) kabilang na sina Assistant Secretary Lyndon Lee Suy, Philippine Children’s Medical Center Director Julius Lecciones, gayundin ang mga director at empleyado ng Zuellig at Sanofi Pasteur.
Ayon sa mga complainant, ginipit nina Aquino, Abad, Garin at iba pang opisyal sa DOH, ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee para mapondohan ang Dengue Immunization Program at para mapaburan ang Zuellig at Sanofi Pasteur.
Sa kabila ito ng kawalan ng kumpletong clinical trial para matukoy kung may bisa at ligtas ang bakuna.
Nabigo rin anila ang Zuellig at Sanofi na tumalima sa standards ng World Health Organization.