Manila, Philippines – Nakahanda si dating Pangulong Noynoy Aquino na harapin ang karagdagang kasong isasampa laban sa kaniya kaugnay ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Atty. Abigail Valte, tagapagsalita ni Aquino, walang tatakbuhan ang dating pangulo at lagi naman itong handang sagutin ang anumang tanong sa mga naging desisyon niya bilang pangulo ng bansa.
Aniya, patunay dito ang kanyang pagdalo sa legislative investigations at iba pang forum kaugnay sa Dengvaxia.
Kaya aasahan na aniya na hindi iiwasan ng dating Pangulo ang panibagong reklamong isasampa mula sa committee report ng Senate Blue Ribbon.
Samantala, iginiit naman ni dating health Secretary Janette Garin na inaasahan na niya ang report ng komite.
Sabi ni Garin, hindi sila nabigyan ng patas na pagkakataon sa imbestigasyon ng Senado.
Gayunman, handa aniya siyang harapin ang panibagong kasong isasampa laban sa kaniya.
Pansamantala ikinulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si dating Police General Wally Sombero.
Hindi muna kasi nagpalabas ng desisyon ang 6th division ng Sandiganbayan sa inihaing urgent motion ni Sombero para mailipat siya sa PNP Custodial Center.
Ayon sa korte, kailangan munang magsumite ng komento sa loob ng 24 oras ng PNP at Ombudsman bago magpasya sa nasabing mosyon ni Sombero.
Una nang iginiit ni Atty. Jessie Lanete, abogado ni Sombero ang banta sa buhay ng kaniyang kliyente na dati nang naambush maliban pa sa problema nito sa kalusugan kaya’t nais nilang ma detain ito sa custodial center.
Si Sombero ay nahaharap sa kasong plunder, kung saan siya ang nagbulgar kaugnay sa umano’y bribery sa ilang opisyal ng Bureau of Immigration.