DENGVAXIA ISSUE | DOH, kumilos na; Sanofi Pasteur, pinakakasuhan na

Manila, Philippines – Pinakakasuhan na ni Health Secretary Francisco Duque III ang Sanofi Pasteur, ang French firm na gumawa ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ang hakbang ni Duque ay kasunod nang paninindigan ni Thomas Triomphe, ang pinuno Asia Pacific region, Sanofi Pasteur, na pagtanggi sa demanda ng DOH na isauli o refund ang halaga ng mga nagamit na doses ng Dengvaxia.

Nabatid na natanggap na ng DOH ang liham ni Triomphe na nagsasaad ng pagtanggi nito na isauli sa pamahalaan ang 1.6 bilyong piso at maglaan indemnification fund na maaaring gamitin ng mga naging recipient ng Dengvaxia.


Ayon kay Duque, ipinasa na niya ang nasabing liham sa legal department at ipinag-utos ang pagsasampa ng class suit laban sa Sanofi Pasteur.

Paliwanag ng kalihim na nakalulungkot na itinago ng Sanofi Pasteur ang mahahalagang impormasyon hinggil sa panganib ng Dengvaxia, at isinapubliko lamang ng French firm matapos na maibakuna sa 837,000 na mag-aaral.

Bago ang anunsiyo ng Sanofi Pasteur noong November 29, 2017, walang inisyung warning ang nasabing kumpanya sa Dengvaxia.

Kasabay nito ay tiniyak ng DOH sa publiko na gagawin ang lahat ng legal na paraan upang mapanagot ang Sanofi Pasteur.

Facebook Comments