Manila, Philippines – Muling dumulog sa DOJ ang grupo ng mga magulang ng mga batang naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia.
Bitbit ng mga ito ang mga larawan ng nasawi nilang anak sabay at sila ay sumisigaw ng hustisya
Sa tulong ng Public Attorney’s Office, nagsampa ng panibagong reklamo ang mga magulang ng 13-anyos na si Abbie Hedia na taga-Muntinlupa City.
Ito na ang ikalimang criminal complaint na isinampa sa DOJ.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide at paglabag sa Anti-Torture law ang isinampa ng PAO.
Isinama na ngayon sa respondents si Health Sec. Francisco Duque III gayundin sina:
– Dating Health Sec. Janette Garin
– Dr. Vicente Belizario Jr
– Dr. Kenneth Hartigan Go.
– Dr. Gerardo Bayugo
– Dr. Lyndon Lee Suy at iba pang mga dati at kasalakuyang opisyal ng Health Department
Paliwanag ng PAO, nangyari kasi ang pagkamatay ng biktimang si Hedia sa ilalim na ng liderato ni Duque.
Ayon sa magulang ng bata, November 17, 2017 nang maturukan ng Dengvaxia ang kanyang anak at binawian ito ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa noong February 10, 2018.
Kasama rin sa mga kinasuhan ng PAO ang mga opisyal at kinatawan ng Sanofi Pasteur na gumawa ng Dengvaxia at ang kumpanyang Zuellig Pharma Corporation na distributor ng bakuna.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, hindi kasama sa criminal complaint sina dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang opisyal ng P-Noy administration dahil may hiwalay na imbestigasyon dito ang NBI.